Bakit dapat itulak ang pagbibitiw ni Aquino?
Traydor sa bayan si Aquino. Duguan ang kamay niya sa madugong engkwentro sa Mamasapano. Para mapaligaya ang boss niyang Estados Unidos (US), itinulak niya sa tiyak na kapahamakan at kamatayan ang 44 na Special Action Force, 18 mandirigmang Moro at di bababa sa 7 sibilyan sa opensiba sa Mamasapano.
Buhol-buhol na ang kasinungalingan ni Aquino para pagtakpan ang krimen niya at ng US. Gumawa-gawa siya ng script para palabasin na wala siyang kinalaman o kaya’y mali ang mga inulat sa kanya. Pero buking na siya ng taumbayan — siya at ang US ang mastermind ng madugong bakabakan. Kasama ang kabarkada niyang suspendido na si Alan Purisima, ibinenta niya ang soberenya ng bansa, niyurakan niya ang chain of command at ginera ang komunidad ng Moro kahit pa may peace talks.
Walang malasakit at pakialam sa buhay si Aquino; kahit ang sariling pwersang pulis ay pinagtraydoran at isinangkalan na parang sa video game. Hindi na bago ang sagad na pagtatraydor ni Aquino, ipinatupad niya ng Visiting Forces Agreement at Enhanced Defense Cooperation agreement at pinayagang magtayo ng mas maraming base ang US sa bansa, habang tahimik sa pagpaslang kay Jennifer Laude at pagsira ng Tubataha.
Pahirap sa bayan ang hacienderong si Aquino. Ang kanyang mga patakarang pabor sa dayuhan at mga kapwa naghaharing uri ay lalong naglubog sa mamamayan sa kahirapan.
Lalong tumataba ang bulsa ng mga kroni at malalaking negosyo na inawardan niya ng mga kontrata sa public-private partnerships gaya ng mga Ayala, Pangilinan at iba pa. Sila ang makikinabang sa walang tigil na pagtataas ng kuryente, tubig at langis. Sila rin ang magbubulsa ng kita sa taas-pasahe sa MRT/LRT at mga pampublikong ospital.
Sa kabilang banda, lalong pinatitindi ang atake sa kabuhayan ng taumbayan. Itinutulak pababa ang halaga ng sahod at isinusulong ang kontraktwalisasyon. Pinagkakait ang mga batayang serbisyong panlipunan at dinedemolish ang mga maralita. Patuloy na inaagaw ang lupa na para sa mga magbubukid at pinananatili ang mga hacienda.
Kamakailan, isang mag-aaral na naman ang natulak na kumitil ng sariling buhay dahil sa kahirapang magbayad ng matrikula. Dahil sa patakaran ni Aquino ng deregulasyon sa matrikula, sobrang taas at dami ng mga pabigat na bayarin sa pamantasan na higit na nagkakait sa kabataan ng karapatan sa edukasyon.
Kurap at bulok ang gubyernong Aquino. Mahigit P300 bilyon ang dinambong ni Aquino, ipinanuhol at ipinamudmod sa kanyang mga alyado sa Disbursement Acceleration Program o DAP at aabot pa rin sa P1 trillion ang pork barrel na kinukulimbat ng kanyang gubyerno.
Ang kanyang mga kamag-anak, kaklase at kabarilan ang naninindikato sa bilyon pisong mga proyekto sa gubyerno. Laganap ang smuggling at pagbibigay ng mga eksempsyon sa buwis sa malalaking komprador. Ginagamit ni Aquino ang posturang anti-kurupsyon para pagtakpan ang mas malalaking mga kaso ng kurakot ng mga kapamilya at kaalyado niya, gayundin para sa mga sariling negosyo at interes gaya ng Hacienda Luisita.
Pasista at walang paggalang sa buhay at karapatang pantao si Aquino. Ipinatupad niya ang Oplan Bayanihan para supilin ang paglaban ng mamamayan. Itinambak ang mga militar sa mga komunidad sa kanayunan, pinaslang ang lagpas 200 mga aktibista at ipiniit ang nasa mahigit 300 bilanggong pulitikal.
Para pagtakpan ang madugong krimen at lalo pang isulong ang interes ng US, isinusulong ngayon ang “all-out war” sa Mindanao na magpapahamak sa libo-libong mga mamamayan.
Mas marami pang mamamatay at maghihirap kung magpapatuloy pa ang gubyernong Aquino! Papayag ba tayo? Sobra na, tama na. Game over na!
Paano matutulak na magbitiw si Aquino?
Dumarami na ang nananawagan na magbitiw si Aquino: mga karaniwang mamamayan, mga manggagawa at magsasaka, mga pamilya at kamag-anak ng mga namatay, mga obispo at taong-simbahan, mga opisyal ng gubyerno, maging mga pulis at militar. Kahit sa poder mismo ni Aquino ay tumitindi ang hidwaan at may mga lihim na naghahangad na mapagbitiw siya.
Gaya sa mga nagdaan, ang “people power” o sama-sama at malawak na pagkilos ng mamamayan ang sandata ng bayan para kamtin ang pagbabago. Dapat ilunsad ang papalaking mga pagkilos hanggang sa mapalibutan ng milyon-milyong mamamayan ang Malacanang at mapilit si Aquino na magbitiw. Bukas ang kilusan sa sinumang nagnanais na pagbitiwin si Aquino, maging sa mga dati o kasalukuyang alyado ni Aquino na nais bumaliktad at sumama sa taumbayan.
Paano pagkatapos? Sino o ano ang papalit kay Aquino?
Itatatag ng bayan ang “people’s transition council.” Ito ang magtitiyak na makakamit ang hustisya at maipatutupad ang mga mga kinakailangang reporma matapos magbitiw si Aquino. Paghakbang ito tungo sa hangad nating makabuluhang pagbabago ng sistema.
Ilan sa maaaring gawin nito ang pagpapanagot sa mga maysala sa opensiba sa Mamasapano at iba pang krimen; ganap na pagbasura sa pork barrel at pagpapanagot sa mga tiwali; pagpapatupad ng mga kagyat na reporma para bigyang alwan ang mamamayan gaya ng reporma sa lupa, pagtigil ng pribitisasyon at pagtataas ng sahod; paggigiit ng pambansang soberenya at pagbabasura ng mga makadayuhang patakaran gaya ng VFA at EDCA; pag-usad ng usapang pangkapayapaan para tugunan ang mga ugat ng kahirapan; pagpapalaya sa bilanggong pulitikal; at iba pa.
Matapos ang isa o dalawang taon, magpapatawag ito ng malayang halalan.
Sino ang uupo sa konseho?
Ang mga magiging bahagi ng konseho ay mga lider ng iba’t ibang mga sektor at grupo na magsusulong ng demokratikong kilusan at mga kabahaging personahe at indibidwal. Dadaan sa demokratikong proseso sa pamamagitan ng Kongreso o Asembliya ng mamamayan ang pagpili sa mga kinatawan sa konseho. Siyempre, hindi maaring maging kasali rito ang mga sagad-sagaring tagapagtanggol ni Aquino o mga ahente niya na mananabotahe sa pagkilos ng mamamayan.
Ano ang dapat nating gawin?
Mahalaga ang papel ng kabataan sa paglikha kasaysayan. Dapat nating pangunahan ang pagmartsa ng milyon-milyon para sa pagbibitiw ni Aquino.
Ipalaganap natin sa pinakamarami ang pangangailangang patalsikin si Aquino sa poder. Mag-organisa ng pinakamaraming organisasyon at alyansa para sa pagbibitiw ni Aquino. Ilunsad ang marami, malaganap at papalaking mga walkout, martsa, at pagtitipon sa mga eskwelahan, pagawaan at komunidad na dadaluyong patungo sa mga sentrong lansangan at papalibot sa Malakanyang.
Tinatawagan tayo na lumikha ng kasaysayan at ihawan ang landas tungo sa isang kinabukasan na tunay na malaya, demokratiko at masagana.