PAMBANSANG KALAGAYAN
Inihanda ng Public Information Department ng Anakbayan, Enero 2013
Tumitinding atake sa edukasyon, kabuhayan at karapatan ang sasalubong sa kabataan at mamamayan sa pagpasok ng 2013. Sa kabila ng mga deklarasyon ng rehimen ng pagbabago at pagsagip sa bayan sa kahirapan, todo-todo ang pagtataas ng matrikula, kumersyalisasyon at pagpapasahol ng krisis sa edukasyon sa pagpapasa ng K12 ang tatambad sa kabataan.
Higit na kagutuman at kahirapan ang hinaharap ng taumbayan sa pagtaas ng presyo, pribitisasyon ng pampublikong serbisyo, dagdag buwis, kaltas sahod, demolisyon at patuloy na pagkakait sa lupa ng mga magsasaka para patuloy na paboran ang dayuhang kapital. Samantala, papatindi ang panunupil at paglabag sa karapatang pantao at pambubusal sa taumbayan. Tumitindi ang pananalasa at interbensyong militar ng Estados Unidos sa bansa.
Sa gitna ng nalalapit na halalang paligsahan ng mga tradisyunal na pulitiko at pamilya, todo ang pagsisikap ng rehimen na konsolidahin ang kapangyarihan nito at pagtakpan ang mga krimen nito sa taumbayan.
EDUKASYON, IPINAGKAKAIT!
Todo taas matrikula sa mga Pribadong Kolehiyo
Patuloy ang pagsara ng mga pintuan ng mga pamantasan sa mga kabataan sa ilalim ni Aquino. Patindi ng patindi ang ‘komersyalisasyon’ ng edukasyon, o ang pagiging parang produkto nito na nakabatay sa kagustuhan ng mga may-ari ng paaralan na kumita, imbes na nakabatay sa kakayahan ng mga magulang at kabataan na mag-bayad. Sa bawat walong estudyanteng pumapasok sa kolehiyo, dalawa lamang ang makakapagtapos. Sa bawat 100 estudyanteng papasok ng Grade 1, 14 lamang ang makakapagtapos ng kolehiyo.
Noong nakaraang taon, 367 na pribadong kolehiyo sa buong bansa ang nagtaas ng matrikula. Tinataya na mula ng maupo si Noynoy, nagtaas na ng P3,150-P4,200 kada semestre ang binabayarang matrikula ng mga estudyante sa pribadong pamantasan, o mahigit P40,000. Labas pa sa matrikula, kung ano-anong mga ipinagbabawal na mga bayarin ang ipinapataw sa mga estudyante.
Imbes na tugunan ang malakas na panawagang ibasura ang mga samu’t-saring fees at i-rollbak ang matrikula, pinapadaan ng CHED (Commission on Higher Education) ang pagtataas ng matrikula sa moro-morong ‘consultation’ dahil hawak ng mga may-ari ang paaralan at kayang patalsikin kahit sinong tumutol. Sa tinatagal-tagal ng CHED, ni-isang beses ay walang napigilan na pagtaas dahil sa konsultasyon. Higit pa dito, gusto ngayon padaanin ng CHED ang mga iba pang bayarin o miscellaneous fees sa parehong proseso ngayong panahon ng konsultasyon.
Komersyalisasyon sa mga SUCs
Di ligtas ang mga estudyante sa mga SUCs (State Universities at Colleges). Ang halimaw at mapanlinlang na sistema ng STFAP (Socialized Tuition and Financial Assistance Program) mula sa UP ay balak ipatupad sa lahat ng mga SUCs sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon. Dahil sa nasabing sistema, nagtaas ng 300%, o mula P300 hanggang P1000 kada yunit ang matrikula sa UP. Noong 2012, nagtaas naman ito mula P1000 tungong P1500. Sa mga SUCs sa rehiyong Cordillera, ipinatupad rin ito noong nakaraang taon at nagdulot ng 300% na pagtaas o mahigit P100.
Ang sinasabing dagdag-badyet para sa taong 2013 ay kasing huwad ng partylist na Akbayan. Ito ay ‘conditional’ o ilalabas lamang kapag sumunod ang mga SUCs sa mga ipinanukalang ‘pagbabago’ ni Noynoy sa sistema ng edukasyon (Tignan ang ika-apat na bahagi).
K+12
Tadtad naman ng kapalpakan ang programang K+12 sa unang taon ng pagpapatupad nito. Mismong mga guro ang nagsasabi na walang mga materyales para ituro ang mga sinasabing mga bagong paksa. Tila pinagbuhol-buhol lang ang mga klase ng mga estudyante at dinagdagan sila ng dalawang taon na wala namang patutunguhan.
Samantala, nananatili pa rin ang mga sentral na puna sa K+12: malaking kasinungalingan ang pangako nito na magdudulot ito ng magandang kinabukasan sa mga kabataan. Ang totoo, gagamitin ang programang ito para harangin ang malaking bilang ng mga kabataan sa pag-aaral sa kolehiyo at piliting kumuha ng mga paksang tec-voc (technical at vocational) para ang kababagsakan nila pagka-graduate ay mga manggagawa na mababa ang sahod o kaya mga OFW na dinadaya at inaabuso.
Sa kabila nito, niratsada ng Senado ang batas para sa K+12 at nakatakdang pirmahan ni Aquino.
Edukasyon ni Aquino, Para Kanino?
Sa ilalim ni Aquino, ang direksyon ng sistema ng edukasyon ay tungo sa pagiging pabrika ng mga manggagawa at OFW na mababa ang sahod at sobra-sobra kung pagsamantalahan. Kung may K+12 na nagsisilbing barikadang pang-harang sa mga gustong mag-aral pagka-graduate ng hayskul, ang mga polisiyang “Philippine Development Plan” at “Roadmap to Public Higher Education Reforms” naman ang pang-harang mismo sa kolehiyo.
Sa mga nasabing polisiya, ang layunin ay 1) bawasan ang mga SUCs at mga kurso, at itira lamang ang mga kurso na may pakinabang sa mga dayuhan 2) bawasan ang pondo ng mga SUCs 3) magtaas ng mga singil bilang kapalit sa kinaltas na badyet.
Kaya naman masasabi na ang sistema ng edukasyon ay kolonyal, komersyalisado, at pasista. Kolonyal ito sapagkat nagsisilbi ito sa interes ng mga dayuhan, komersyalisado dahil ginawa ito na tila de lata sa palengke na di pwedeng maranasan ng walang pambayad, at pasista sapagka’t sinisikil nito ang malayang kagustuhan ng mga kabataan.
KABUHAYAN, BUMABAGSAK! KAHIRAPAN, LUMALALA!
Parang langit at lupa naman ang layo ng kalagayan ng mayayaman at mahihirap sa ilalim ni Noynoy. Nasa langit ang mga katulad niyang haciendero at malalaking kapitalista: mula 2010, ang yaman ng 40 na pinaka-mayamang Pilipino ay lumaki mula $22.8 bilyon patungong $47.4 bilyon. Pagmamay-ari ng 40 na Pilipino ang 1/5 ng yaman ng buong bayan! (IBON Foundation)
Samantala, ang bilang ng mga nagugutom ay nasa pinaka-mataas mula ng maupo si Aquino, o mahigit kalahati ng lahat ng pamilya ay nakararanas ng gutom dahil wala silang kakayanan bumili.
Bilihin at serbisyo, nagmamahal
Noong nakaraang taon, walang tigil ang pagtaas ng presyo ng langis, kuryente, at tubig dahil sa ‘Noynoying’ ng pangulo. Ngayong taon, inaasahang mauulit ito at madadagdagan pa: balak ulit itulak ang 100% pagtaas ng pamasahe sa MRT at LRT pagkatapos ng matinding paglaban ng mamamayan. Papatawan naman ng napakaraming bago o mas mataas na mga bayarin ang mga manggagawa, OFW, at mga propesyunal:
NBI – NBI clearance fee; DFA – Visa services fees, Visa authentication fee; PRC – Examination fee, Professional license fee; DOLE – Registration fee, clearance fee, certification fee; POEA – Processing fees; DTI – Permit fee, License fee; LRA – Land registration fee.
Hindi lamang sa pagpapaa-aral ng anak mamimilipit ang bulsa ng mga mahihirap. Pati sa pagpunta sa mga ospital, mauubos ang kakarampot na sahod nila dahil balak gawing pribado ang mahigit 22 na pampublikong ospital sa buong bansa.
Sahod, bumababa
Ipapatupad naman ngayong taon ang tusong ‘2-Tier Wage System’ na sa totoong buhay ay isang kaltas sa sahod ng mga manggagawa na aabot hanggang 30%-40%. Sa ganitong sistema, magkakaroon ng dalawang klase ng sahod: ‘floor wage’ at ‘productivity wage’.
Sa una, ang batayan nito ay opisyal na datos ng gobyerno hinggil sa kailangan ng isang pamilya para mabuhay araw-araw. Subalit sa ating karanasan, ito ay mga numerong dinoktor at sobrang baba kumpara sa tunay na halaga. Sa ikalawa naman, ito daw ay ibabatay kung gaano kasipag ang manggagawa ngunit sa batas mismo, pinahihintulutan na ang mga kapitalista ang magtakda kung magkano ito. Walang bantay, walang batayan. Kung ano ang ibibigay nilang ‘productivity wage’, kailangan tanggapin ng kawawang manggagawa.
Kaya sa aktwal, isa itong kaltas sa sahod. Sa una nitong ‘eksperimento’ sa rehiyon ng Timog Katagalugan, bumagsak ang aktwal na minimum wage mula P337 papuntang P255. Asahan ng mga manggagawa sa ibang rehiyon na ganito kalaki rin ang ikakalatas sa kanila.
III. Kawalan ng lupa at tahanan
Madugong taon ang 2012 para sa mga maralitang taga-lungsod, kung saan lantarang binabaril at pinapatay ng mga pulis at sundalo ang mga nagbabarikadang mga maralita. Inaasahang magpapatuloy ito sa 2013 kung saan itinakda ang pagpapalayas sa mahigit 100,000 pamilyang maralita sa mga estero sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila at itaboy sa gitna ng mga bundok at gubat ng mga probinsya tulad ng Bulacan, Rizal, at Laguna.
Samantala, walang nakamit na tunay na reporma sa lupa ang mga magsasaka. Kahit sa mga dinayang istatistika ng gobyerno, isa lamang sa bawat tatlong magsasaka na balak bigyan ng lupa ang napamahagian. Pero sa mga malalaking lupain ng mga makapangyarihan tulad ng Hacienda Luisita, naghihintay sa wala ang mga magbubukid. Bagama’t bahagyang pinanigan sila ng Korte Suprema, ginamit naman ng DAR (Dept. of Agrarian Reform) ang mga butas ng palpak na CARPER (Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms) para itigil ang pamamahagi. Di na nakuntento, balak pa nilang patagilan ang CARPER hanggang 2019, 21 taon mula ng dapat natapos na ang programang ito.
KALIKASAN AT LIKAS-YAMAN, NILAPASTANGAN!
Nailantad ng karumal-dumal na mga pagbabaha sa Mindanao dulot ng bagyong Pablo ang epekto ng panggagahasa ng mga dayuhan sa ating kalikasan.
Ang sinisisi ni Aquino sa pagkawala ng ating mga kagubatan ang mga tinaguriang ‘small-scale’ at ‘illegal’ na minero at mangangahoy. Pero ang totoo, ang mayorya ng bilang ng mga pinuputol na mga puno ay dahil sa mga ‘ligal’, o may pahintulot mula sa gobyerno, na operasyon ng pag-mimina, pangangahoy, at plantasyong agrikultura. At sa mga operasyon na ito, halos lahat ay mga dayuhang korporasyon. At kahit yung mga sinasabing mga ‘illegal loggers’ ay mga kapartido o kaalyado ni Noynoy sa pulitika, tulad ni Sen. Juan Ponce Enrile. Para pigilan ang lumalakas na pagtutol laban sa pagmimina, ipinasa ni Aquino ang Executive Order 79 na nagpapawalang-bisa sa mga lokal na ordinansa laban sa pag-mimina, at pagtatalaga ng mga tropa ng AFP bilang ‘private army’ ng mga korporasyon.
Pati ang mga sundalong Kano na malayang nakakapasok sa bansa dahil sa VFA (Visiting Forces Agreement) ay nagdudulot ng pambababoy sa ating kalikasan: bukod sa pagsira sa Tubbataha Reef, nagtambak ng mga dumi ng tao at iba pang lason ang mga barkong US sa Subic Bay. Labag din sa soberanya ang pagpasok ng drones sa bansa.
NILABAG ANG MGA KARAPATAN! GINI-GYERA ANG MAMAMAYAN!
Hindi matatago ng pagpupulot ng dahon sa kalsada o paggamit sa kanta ng mga laos ng artista ang katotohanan na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at si Noynoy mismo ay isang pulutong ng mga asong-ulol na naglalaway sa galit at pagnanais na dumanak ang dugo ng mamamayang hinahangad lamang ang kanilang mga karapatan.
Wala ng mas malinaw pang ebidensya dito kundi ang 129 katao na biktima ng pampulitikang pamamaslang ng AFP. Marami sa kanila ay mga katutubo at iba pang mga aktibista na para sa kalikasan at tutol sa mapaminsalang pagmimina. Sa maraming kaso, kahit ang gobyerno ay napilitan ng umamin na sundalo ang may sala, tulad ng pagpatay kila Dr. Leonard Co, Benjamin Bayles, at ang ‘Tampakan Massacre’.
Kahit ang mga mapayapang paraan ng pag-protesta ay pinipigilan, tulad ng bagong-pasa na Cybercrime Law, at ang mga marahas na dispersal ng mga rally, piket sa mga opisina ng gobyerno, welga ng mga manggagawa, atbp.
Oplan Bayanihan
Sa ‘Oplan Bayanihan’, o ang gabay ng mga operasyong-militar ng AFP ngayon, naglulunsad sila ng tinaguriang ‘triad operations’ dahil lagi itong may tatlong aspeto: psychological warfare, intelligence, at military. Sa psychological warfare, nagpapabango ang mga sundalo para tanggapin sila at papasukin sa mga pamayanan. Samu’t-sari ang mga porma: naglilinis ng kalye at estero, paglulunsad ng talakayan sa komunidad o paaralan, pagtatayo ng mga gusali, pagkakaroon ng palabas sa radyo, atbp. Sa Mindanao, garapalan ang ginagawang porma ng psychological warfare: sa AFP lamang pinahahawak lahat ng relief goods mula sa gobyerno para sa mga nasalanta ng bagyo. Kahit na labag sa loob ng mga mamamayan, napilitan silang sumunod sa mga sundalo para lamang makakain.
Pagkatapos makapasok sa isang pamayanan, naglulunsad naman ng operasyong intelligence para matukoy ang mga mamamayan sa bawat pamayanan na hindi nagpapa-uto sa gobyerno at militar. Gagamitan ang mga tao na ito ng isa pang porma ng psychological warfare na tinatawag na ‘red-tagging’, kung saan inaakusahan silang mga komunista para maging katanggap-tanggap ang gagawing military operation laban sa kanila: pagpatay.
Sa ibang pagkakataon, kumbinsayon pa ng psychological warfare at military: aarkila ang mga sundalo ng mga kriminal, o magpapanggap na mga kriminal habang pumapatay. Makikita ito sa kaso ni Lordei Hina, lider-estudyante ng UP na tinangkang patayin ng ahente ng militar sa loob ng opisina ng konseho ng mag-aaral ng UP, at pinalabas na simpleng kaso ng pagnanakaw ang nangyari.
Bilanggong pulitikal, gawa-gawang mga kaso
Labag sa mismong mga doktrina ng reaksyonaryong batas, inaaresto at ikinukulong ni Aquino ang mga aktibista dahil lamang sila ay tutol sa bulok na pamahalaan. Mula ng maupo si Noynoy, mahigit 100 na ang inaresto bilang political prisoners (ibig sabihin, kinulong dahil sa kanilang mga paniniwala, at hindi dahil sa kahit anong krimen) at lumobo sa 401 ang kanilang bilang. Noong Disyembre 2012 lamang, 28 ang hinuli. Bagama’t may kung ano-anong krimen na isinasampa sa kanila ang gobyerno, napapatunayan na inimbento lang ito ng militar sapagka’t ibinabasura rin ito ng mga korte, tulad ng sa kaso ng ‘Morong 43’ health workers at ng lider-magsasaka na si Axel Pinpin.
Kawalan ng hustisya
Habang napakabilis ng AFP at PNP sa pag-aresto at pagsampa ng gawa-gawang mga kaso sa mga aktibista, wala naman itong ginagawa para hulihin ang mga tunay na mga kriminal: mga lumabag sa karapatang pantao tulad ni AFP Ret. Gen. Jovito Palparan. Halos tatlong taon na si Aquino sa kapangyarihan, hindi pa rin naililitaw ang mga dinukot, tinortyur, at ginahasa ni Palparan na mga estudyante ng UP na sila Karen Empeño at Sherlyn Cadapan. Ang mas matindi pa, ang mga sundalong sangkot sa paglabag sa karapatang pantao ay pinarangalan ni Noynoy tulad ng mga heneral na dumukot at nangtortyur sa aktibistang si Jonas Burgos at sa ‘Morong 43’.
Atake sa kabataan
Bilang sektor na kritikal ang isipan at sinusuka ang mga kasinungalingan ni Aquino, binibigyan ng espseyal na ‘atensyon’ ng Oplan Bayanihan ang sector ng kabataan.
Sa kampus, nagpapatuloy ang rekrutment ng SIN (Student Intelligence Network), ang grupo ng mga estudyanteng ginagamit ng AFP na ahente para mangolekta ng impormasyon sa mga lider-estudyante (intelligence), manakot ng mga estudyanteng gustong maging aktibista (psychological), o pagbantaan ang mismong buhay ng mga nasabing lider (psychological). Nagkukumpulan ang mga nasabing ahente sa mga pormasyon tulad ng Akbayan Youth, MASP, at SCAP.
Kasabay nito, nilalabag ng AFP ang pagbabawal sa mga sundalo sa loob ng mga paaralan sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga ‘forum’ na nagpapabango sa pangalan ng AFP at naninira sa mga aktibista (psychological). Noong 2012, inilunsad ito partikular sa mga paaralan ng Cebu at Cordillera.
Namataan naman ngayong Enero ang pag-ikot ng mga sundalong naka-‘full battle gear’ sa kampus ng PUP sa probinsya ng Quezon, hudyat na muli na namang lalabagin ng AFP ang batas sa paglahok sa eleksyon bilang mga kampanyador ng mga pekeng partylist nito, at naninira sa mga progresibong partylist tulad ng Kabataan.
BULOK NA PULITIKA, ELEKSYONG MINAMANIOBRA
Sa harap ng paggamit sa islogang ‘Walang Kurap, Walang Mahirap’, mismong mga alyado ni Aquino ang pusakal na mga kurakot at bulok na elemento sa loob ng gobyerno. Ang naganap na ‘rub-out’ sa Atimonan, Quezon ay naibunyag bilang away ng mga magkalabang ‘gang’ na sangkot sa operasyon ng jueteng sa Timog Katagalugan. Ang mga utak ng nasabing ‘rub-out’ ay direktang sumusunod, at nagbibigay ng bahagi sa milyon-milyong kinikita sa jueteng, kay Executive Secretary Ochoa. Sa bangayan sa loob ng Senado, nailantad ang pangungurakot ng limpak-limpak na salapi ng mga Senador sa pangunguna ni Enrile.
Samantala, napakalaki rin ang naibubulsa ng Akbayan, ang huwad na partylist ni Noynoy Aquino. Kapalit ng pag-suporta sa kanya noong halalang 2010, at pagiging kasapakat nito sa mga operasyong militar sa ilalim ng Oplan Bayanihan, binigyan sila ng napakaraming matataas na pwesto sa gobyerno. Ang kinurakot mula sa mga ahensya tulad ng NAPC (National Anti-Poverty Commission) ay dagdag sa kinukurakot nila mula sa orihinal na ‘pork barrel’ ng Akbayan at dagdag na pork para kay Akbayan Rep. Kaka Bag-ao.
Naghahanda ang mga trapo para buong-buo mahawakan ang gobyerno ngayong 2013 at ipinagkakait kahit ang mumunting espasyo kung saan nakapagsasalita ang mamamayan. Nagsanib-pwersa ang Liberal Party ni Noynoy at United Nationalist Alliance ni Bise-Presidente Binay para sa 2013, bagay na di kataka-taka dahil pareho silang mga partido ng mga kurakot, kapitalista, at panginoong maylupa. Pero mas garapal pa rin ang LP: ginagamit nito ang CCTs (Conditional Cash Transfers) para mag-rekluta, manuhol, at takutin ang mga mahihirap para bumoto para sa LP; ginamit pa nito ang mga tuta nila sa loob ng COMELEC at Korte Suprema para makatakbo ang Akbayan, ANAD, Bantay, at iba pang huwad na grupong partylist.
TAKSIL SA BAYAN, PAPET NG DAYUHAN!
Ang panghihimasok at pangingialam ng US sa ekonomiya, pulitika, at kultura ng Pilipinas ang kasalukuyang ugat ng kahirapan ng 99% ng mamamayan. Ang panghihimasok na ito ay ipinagpapatuloy ni Noynoy bilang bahagi ng trabaho niya bilang #1 papet ng Estados Unidos. Kapalit nito, pinahihintulutan siya at ang mga iba pang papet tulad nila Enrile, Drilon, at Akbayan na mangurakot ng husto.
Ginagamit ni Noynoy ang ating sistema ng edukasyon at kultura, hindi lamang para gawin ang kabataang Pilipino na hukbo ng murang lakas-paggawa (cheap labor), kundi para i-brainwash at gawing katanggap-tanggap ang ating kawalan ng kalayaan. Ipinagkakait ang edukasyon sa kolehiyo dahil hindi naman kailangan ng mga ispesyalista sa iba’t-ibang larangan ng kaalaman kung pananatiliin lang tayong mahirap na kolonya ng US. Sa nananatiling antas ng edukasyon ng mga kabataan, binabaluktot ang kasaysayan at hindi na binabanggit ang mga kahayupan na ginawa sa atin ng Amerika. Ginagawa rin tayong makasarili at pinapasamba sa ilusyon na sa indibidwal na pagkilos o sa sipag at tiyaga, makakaahon tayo sa kahirapan
Hinaharangan ni Aquino ang mga programa ng pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo, bilang mabisang solusyon sa kahirapan, sapagkat mawawala ang limpak-limpak na salapi na kinikita ng mga dayuhang korporasyon, pati ng iilang malalaking lokal na kapitalista at panginoong may lupa. Habang wala tayong mga sariling industriya, naka-depende tayo sa mga dayuhan para sa mga iba’t-ibang mga produkto hanggang sa pinaka-simpleng karayom o martilyo. Habang hawak naman ng iilan ang mga lupang sakahan, nagpapatuloy ang pagtatanim ng mga produktong pang-eksport na hindi naman natin madalas kainin.
Para mapanatili tayong nakadepende sa mga dayuhang korporasyon, pinapaboran sila ng gobyerno sa pamamaraan ng hindi pagbayad ng buwis, pahintulot sa paglabag sa minimum wage, pag-astang ‘sikyu’ ng mga korporasyon na umaatake sa mga unyon ng obrero, atbp. Samantala, pinipilay naman ang mga lokal na entrepreneur natin dahil sa napakataas na presyo ng langis at kuryente, isang bagay na itinakda rin mismo ng US. Sa ganitong kalagayan, kulang na kulang ang bilang ng trabaho na nalilikha.
Binuyangyang ang ating kalikasan at likas-yaman para pagkakitaan ng mga dayuhan habang walang benepisyong naidudulot sa atin. Halos walang binabayarang buwis ang mga dayuhang korporasyon sa pag-mimina at lumber. Ang yaman na sana’y nagagamit para magkaroon tayo ng mga sariling industriya ay naging mabilis na supertubo lamang nila. Hindi pa nakuntento, winasak pa nila ang kalikasan.
Bagama’t itinatago ito sa pangalang ‘visiting forces’ o kaya ‘training exercises’, ang mga sundalong Amerikano sa Pilipinas ay nagsisilbing pwersang pang-sakop sa ating bayan. Noong panahong may permanenteng base-militar pa ang US, ito ang nagsisilbing sentro ng mga operasyon para patayin ang mga mamamayang lumalaban at pigilan ang kahit anong kilusan para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Ngayon, bagama’t walang permanenteng base, walang araw na walang sundalong dayuhan sa ating lupa, dagat, at himpapawid. Ito’y isang baril na 24/7 nakatutok sa Pilipinas at ipuputok kung sakaling magkaroon ng isang gobyernong hindi susunod sa kanilang dikta. Pinapabango ito ni Noynoy sa pagiimbento ng kuwentong kutserong istorya na sasakupin tayo ng Tsina, bagama’t kung titignan sa kasaysayan ng dalawang bansa, ang US ang may ‘track record’ ng pananakop sa ibang bansa.
MAKIBAKA PARA SA PAMBANSANG DEMOKRASYA AT TUNAY NA KALAYAAN!
Malinaw ang madilim na kinabukasan at kinakaharap na pagsahol ng kalagayan ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng anti-mamamayang rehimeng US-Aquino. Mula sa islogang ‘Daang Matuwid’, nagpalit tono ang rehimeng US-Aquino sa gasgas na ‘Hindi agad-agad ang pagbabago’. Pilit nilang pinagtatakpan na kahit ang mga kagyat na mga repormang pwedeng gawin ni Noynoy ay hindi niya ginawa.
Kung gayon, wala ng ibang landas na dapat tahakin ang sambayanan kundi ang landas ng paglaban. Taliwas ito sa pananatili ng isang buhay na puros kahirapan at pagkakabusabos. Kinakailangan paigtingin ang laban ng mamamayan, mula sa mga lokal na pakikibaka para sa edukasyon, kabuhayan, kalikasan, at karapatan, tungo sa mas malawak at pang-matagalang laban para sa tunay na kalayaan at demokrasya.
Napaka-halaga ang paglalantad sa Oplan Bayanihan, at sa tunay na katangian ng gobyernong Aquino bilang berdugong walang pinagiba kay Gloria o Marcos. Sa ganitong paraan mapapaatras ang AFP mula sa mga kampanya ng panunupil nito, lalo na sa kanayunan laban sa kilusang magsasaka. Hindi magtatagumpay ang isang rebolusyon para sa tunay na pagbabago kung wala ang uring magsasaka. Kaya naman isa sa mga sentral nating tungkulin ang ilantad ang Oplan Bayanihan.
Kapantay nito ang halaga sa paglalantad sa imperyalismong US sa buong bayan. Parang mga kadenang nakapilipit sa Pilipinas ang mga galamay ng US sa iba’t-ibang aspeto ng buhay ng mamamayang Pilipino. Hangga’t hindi mulat ang mamamayang Pilipino sa tunay na katangian ng imperyalismo at epekto nito sa ating bayan, dudurugin lamang ng US ng basta-basta ang kahit anong maitayong gobyerno sa Pilipinas na tunay na makabayan.
Dagdag rito, sa kalagayang walang tunay na oposisyon, paniyak gagamitin ng rehimeng US-Aquino ang darating na pambansang halalan upang konsolidahin ang sarili nito sa kapangyarihan. Kasabay ng pagpapaigting ng mga pakikibakang masa, tungkulin natin ang masigabong paglahok sa halalang 2013: upang magpaboto at ipanalo ang mga progresibong partylist at kandidato pagkasenador; ngunit higit sa lahat, upang gawin itong tungtungan sa ibayong paglalantad at paglaban sa kabulukan ng sistema at burukrata kapitalismo, at ilang ulit na pagpapalaki ng ating kasapian bilang paghahanda sa tinatanaw na pagdaluyong ng kilusan ng mamamayan.
Kaya mahalaga ang paglulunsad ng malawakang mga kampanya at pakikibakang masa at mahigpit itong i-ugnay sa paglalantad sa kasalukuyang bulok na sistemang panlipunan at paglaban para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya. Kinakailangan na ang namumuong galit ng milyon-milyong Pilipino, mula sa iba’t ibang isyung kanilang hinaharap sa araw-araw na pamumuhay, ay maidirekta at pasabugin na tila mga kanyon laban sa pangkabuuang nabubulok na sistema. ###